Skip to main content

Ano ang naghihintay para sa Wells Fargo at sa mga customer nito?

Kamakailan, kumilos ang CFPB laban sa Wells Fargo Bank dahil sa paglabag sa mga pederal na batas na pumuprotekta sa mga mamimili na nalalapat sa mga pinansyal na produkto, kabilang ang mga loan para sa sasakyan, mortgage, at account sa bangko. Inaatasan ang Wells Fargo na magbayad ng mahigit $2 bilyon sa mga customer na napinsala, pati na rin ng $1.7 bilyon na multa na mapupunta sa pondong tulong para sa mga biktima.

Isa sa tatlong sambahayang Amerikano ay customer ng Wells Fargo at naapektuhan ng kultura ng kumpanya at mga gawaing pangnegosyo nito. Kung mayroon kang Wells Fargo account, narito ang impormasyon upang matulungan kang maunawaan kung maaaring napinsala ka, magkanong kabayaran ang ipinamamahagi, at kung ano pa ang aabangan.

Ang mga customer na may tatlong uri ng account ang napinsala

Mahigit 16 na milyong account sa Wells Fargo ang sumailalim sa kanilang mga ilegal na gawain, kabilang ang maling paglalapat ng mga singil, maling pagreremata (foreclosure), at mga hindi tamang singil at ipinapataw na interes.

Mga customer ng loan para sa sasakyan

  • Ang ilang kumuha ng loan para sa sasakyan ay paunang nagbayad para sa saklaw ng GAP, na nag-i-insure ng halagang pagkakautang sa loan para sa sasakyan kung naaksidente ka o ninakaw ang iyong sasakyan. Kumilos nang hindi patas ang Wells Fargo sa pamamagitan ng hindi pagre-refund ng pera noong maagang natapos ang loan—halimbawa, kung nabayaran ito nang buo nang maaga.
  • Ang kabayaran sa loan para sa sasakyan ng ilang customer ay hindi inilapat nang tama sa kanilang mga balanse, na nauwi sa mas matataas na singil sa interes, singil sa nahuling pagbayad, at maling repossession.
  • Ang ilang repossession ng sasakyan ay hindi rin napangasiwaan nang tama, kabilang ang kung paano ibinenta ang mga sasakyan pagkatapos ng repossession.

Mga humiram ng loan para sa mortgage

  • Ang ilang humiram ng loan para sa mortgage ay tinanggihan nang hindi patas noong humiling sila ng mga pagbabago sa kanilang loan upang maiwasan ang pagkaremata (foreclosure). Maaaring napatawan din sila ng mga maling singil at iba pang gastos.
  • Ang Wells Fargo ay maling nag-ulat na namatay na ang ilang customer, nagsaad ng labis na mga singil ng abogado na nangangahulugang tinanggihan ang mga aplikasyon sa halip na inaprubahan, at naghatid ng libu-libong maling aksyon ng pagremata (foreclosure).

Mga may hawak ng account sa bangko

  • Ang ilang customer ay pinatawan ng hindi inaasahang overdraft fees nang hindi patas sa mga pagbiling gamit ang debit at mga pag-withdraw sa ATM, kahit na may sapat silang pera sa kanilang account sa panahon ng transaksyon.
  • Ang ilang customer ay pinatawan ng buwanang singil gayong hindi naman dapat. Nag-anunsyo ang Wells Fargo ng walang singil kung ang customer ay “bumili o nagbayad ng 10 beses o higit pa gamit ang debit card” sa isang buwan, ngunit nilimitahan ng bangko ang mga uri ng mga karapat-dapat na pagbabayad at hindi isinama ang mga transaksyong debit na nai-post ilang araw kalaunan.
  • Ang pera ng ilang customer ay “nai-freeze” nang hindi patas ng ilang linggo kung nagsuspetsa ang Wells Fargo na panloloko ang iisang deposito.

Mga kabayaran sa mga customer na napinsala ng Wells Fargo

Ang aksyon ng pagpapatupad ng CFPB laban sa Wells Fargo ay nag-aatas sa kanilang magbayad ng mahigit $2 bilyon sa mga customer na napinsala sa pagitan ng 2011 at 2022.

Inaatasan ang Wells Fargo na magkaroon ng plano para sa bawat isa sa mga paglabag sa utos, at pangangasiwaan namin ang kanilang mga pagbabayad sa mga customer. Kung karapat-dapat kang tumanggap ng pera, kailangan kang abisuhan ng kumpanya. Hindi mo kailangang gumawa ng anumang aksyon para matanggap ang kabayaran sa iyo. Natanggap na ng ilang customer ang mga kabayaran sa kanila.

Kung naniniwala kang nararapat kang mabayaran at hindi mo pa ito natatanggap, kailangan mo munang kontakin ang Wells Fargo sa 844-484-5089, Lunes hanggang Biyernes mula 9:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. ET. Kung hindi malulutas sa ganoong paraan ang isyu, maaari kang magsumite sa amin ng reklamo online.

Iba-iba ang halaga ng bayad. Para sa mga repossession sa sasakyan, maaari mong mabawi ang hindi bababa sa $4,000. Babayaran din ng Wells Fargo ang $77.2 milyon sa humigit-kumulang 3,200 customer na may mga isyu sa pakikipagtulungan sa kumpanya para mabago ang kanilang mga bayad sa loan upang maiwasan ang pagkaremata (foreclosure).

Mag-ingat sa mga scam sa kabayaran

Kung may sinumang nagsasabing makukuha nila para sa iyo ang kompensasyon o harap-harapang humihingi ng pera, iyon ay scam. Kung mangyayari ito sa iyo, pakitawagan agad ang CFPB: (855) 411-2372, 8 a.m. hanggang 8 p.m. ET, Lunes hanggang Biyernes.

Hinding-hindi ka inaatasan ng CFPB na magbayad ng pera para matanggap ang bayad-pinsala. HInding-hindi namin hihingin ang impormasyon ng iyong account o personal na datos para ipadala sa iyo ang kabayaran, o bago mo i-cash ang tsekeng inisyu namin.

Ano ang gagawin mo kung trinato ka nang hindi patas ng Wells Fargo o ng iba pang pinansyal na kumpanya

Kung nagkakaproblema ka sa isang pinansyal na institusyon, subukan munang resolbahin ito nang direkta sa kumpanya. Karaniwang masasagot nila ang mga tanong na natatangi sa iyong sitwasyon at mga produkto at serbisyong inihahandog nila.

Kung hindi malulutas sa ganoong paraan ang problema, maaari kang magsumite ng reklamo sa CFPB online o sa pamamagitan ng pagtawag sa (855) 411-CFPB (2372). Ipapahatid namin ang iyong reklamo sa kumpanya at kikilos upang makuha mo ang sagot. Sumasagot sa mga reklamo ang karamihan sa mga kumpanya sa loob ng 15 araw.

At kung nakasaksi ka ng potensyal na maling pag-uugali bilang isang empleyado o dating empleyado sa isang pinansyal na kumpanya, maaari kang magpadala ng email sa whistleblower@cfpb.gov. Nirerepaso namin ang bawat pagsusumite.

Join the conversation. Follow CFPB on X (formerly Twitter) and Facebook .