Skip to main content
Debt collection key terms (in Tagalog)

Mga pangunahing termino para sa pagkolekta ng utang

Credit counselor

Makakatulong ang mga credit counselor sa mga sumusunod:

  • Payuhan ka pagdating sa pamamahala ng iyong pera at mga utang
  • Tulungan kang bumuo ng badyet
  • Kadalasang naghahandog ng mga libreng materyal at workshop na pang-edukasyon
  • Karaniwan, ang mga credit counselor ay sertipikado at sinanay sa mga aspeto ng credit ng mamimili, pamamahala ng pera at utang, at pagbabadyet. Tinatalakay sa iyo ng mga counselor ang kabuuan ng iyong pinansyal na kalagayan, at tinutulungan kang bumuo ng isang personalisadong plano para lutasin ang mga problema mo sa pera. 


Patakaran sa pagkolekta ng utang (Debt Collection Rule)

Naglabas ang CFPB ng “mga patakaran” na nagkabisa noong Nobyembre 30, 2021 na naglilinaw at nagbibigay ng interpretasyon sa pederal na Fair Debt Collection Practices Act (FDCPA, Batas sa mga Patas na Gawain ng pagkolekta ng utang).

Magbasa pa 


Tagakolekta ng utang (Debt collector)

Sa ilalim ng pederal na Fair Debt Collection Practices Act (Batas sa mga Patas na Gawain ng pagkolekta ng utang), ang tagakolekta ng utang ay karaniwang isang tao o kumpanyang regular na nangongolekta ng mga utang na pagkakautang sa iba, at madalas ay kapag matagal nang hindi pa nababayaran ang mga utang na iyon.

Kabilang sa mga tagakolekta ng utang ang mga ahensyang tagakolekta o mga abogadong nangongolekta ng mga utang bilang bahagi ng kanilang negosyo. May mga kumpanya ring bumibili ng mga utang na matagal nang hindi pa nababayaran mula sa mga creditor o ibang mga negosyo at pagkatapos ay sinusubukang kolektahin ang mga ito. Ang mga tagakolekta ng utang na ito ay tinatawag ding mga ahensyang tagakolekta ng utang, kumpanyang tagakolekta ng utang, o tagabili ng utang. 


Mga serbisyo ng pag-areglo ng utang (relief) (Debt settlement (relief) services)

Ang mga kumpanyang nag-aareglo ng utang ay mga kumpanyang nagsasabing kaya nilang muling makipagnegosasyon, aregluhin, o baguhin sa ibang paraan ang mga tuntunin sa utang ng isang indibidwal sa creditor o tagakolekta ng utang. Maaaring mapanganib ang makiharap sa mga kumpanyang nag-aareglo ng utang.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles) 


Fair Debt Collection Practices Act (FDCPA)

Ang Fair Debt Collection Practices Act (FDCPA, Batas sa mga Patas na Gawain ng pagkolekta ng utang) ay ang pangunahing pederal na batas na namamahala sa mga gawain ng pagkolekta ng utang. Pinagbabawalan ng FDCPA ang mga kumpanyang nangongolekta ng utang na gumamit ng mga mapang-abuso, hindi patas o mapanlinlang na gawain upang kolektahin ang utang mula sa iyo. Magbasa nang higit pa (sa Ingles) para sa impormasyon tungkol sa iyong mga karapatan sa ilalim ng FDCPA. 


Garnishment

Nangyayari ang garnishment sa sahod o account sa bangko kapag kinuha ng creditor ang bahagi ng iyong suweldo o pera mula sa account sa iyong bangko para kolektahin ang perang pagkakautang mo. Karaniwang nangangailangan ang mga garnishment ng utos ng hukuman na nagreresulta mula sa isang hatol. Gayunpaman, may mga partikular na pagkakautang sa pamahalaan ang maaari ring magresulta sa garnishment, kahit walang hatol.

May mga limit at “exemption” ang mga batas ng estado at pederal na batas na naaangkop sa mga garnishment sa account sa bangko at sahod, na karaniwan ay upang matiyak na mayroon kang natitirang panggastos sa buhay. Labag din sa Fair Debt Collection Practices Act (FDCPA, Batas sa mga Patas na Gawain ng pagkolekta ng utang) ang manakot ang tagakolekta ng utang na bawasan ang iyong sahod kung hindi maaaring legal na mabawasan ang iyong sahod. 


Panghaharas ng tagakolekta ng utang (Harassment by a debt collector)

Sinasabi sa Fair Debt Collection Practices Act (FDCPA, Batas sa mga Patas na Gawain ng pagkolekta ng utang) na ikaw o ang iba pang kinokontak ay hindi maaaring harasin, maliitin, o abusuhin ng mga tagakolekta ng utang.

Maaaring may iba't ibang uri ng panghaharas ng tagakolekta ng utang. Kabilang sa mga halimbawa ay ang paulit-ulit na pagtawag na ang layunin ay inisin, abusuhin, o harasin ka o ang sinumang taong sumasagot ng telepono; salitang bastos o mura; banta ng karahasan o pamiminsala; paglalathala ng mga listahan ng mga taong tumatangging bayaran ang kanilang mga utang (hindi kasama rito ang pag-uulat ng impormasyon sa kumpanya para sa credit report); at pagtawag sa iyo nang hindi sinasabi sa iyo kung sino sila. 


Hatol (Judgment)

Ang hatol ay ang opisyal na resulta ng pagdemanda sa hukuman. Sa mga pagdemanda para sa pagkolekta ng utang, maaaring igawad ng hukom ang hatol sa creditor o tagakolekta ng utang laban sa iyo. Kung hindi mo sasagutin ang legal na reklamo, mawawalan ka ng pagkakataong ipagtanggol ang iyong sarili at maaaring matagpuan mo na lamang na nagpasok na ng hatol laban sa iyo.

Kung may nagdemanda sa iyo, o kung may kumuha ng hatol laban sa iyo at hindi ka nakatitiyak sa kung ano ang gagawin, makipag-usap sa isang abogado. Ang ilang abogado ay maaaring maghandog ng mga libreng serbisyo o singil na binawasan ang halaga. Maaaring mayroon ding mga tanggapan para sa legal na tulong o mga legal clinic sa iyong lugar na maghahandog ng mga serbisyo nang libre kung matutugunan mo ang ilang pamantayan. Dapat kumonsulta ang mga servicemember sa kanilang lokal na tanggapan ng JAG


Mensaheng limitado ang nilalaman (Limited-Content Message)

Sa ilalim ng Patakaran sa Pagkolekta ng Utang, ito ang voicemail na mensahe para sa mamimili na kailangang maglaman ng partikular na kinakailangang impormasyon at maaaring maglaman ng iba pang opsyonal na nilalaman.

Magbasa nang higit pa (sa Ingles) 


Orihinal na creditor (Original creditor)

Sa pangkalahatan, ang orihinal na creditor ay ang kumpanyang nagbigay sa iyo ng loan o credit. Maaaring subukan ng orihinal na creditor na kolektahin ang mismong dati nang dapat bayarang credit, o kaya ay maaari silang kumuha ng tagakolekta ng utang. Maaari ring ibenta ng orihinal na creditor ang iyong credit account sa isang tagakolekta ng utang. Ang tagakolekta ng utang ay karaniwang isang ikatlong partido na partikular na kinontrata para mangolekta sa iyong account, o isang taong bumili nito mula sa orihinal na creditor o iba pang tagakolekta ng utang o tagabili ng utang. 


Statute of limitations

Ang statute of limitations ay ang limitadong haba ng panahong mayroon ang mga creditor o nangongolekta ng utang na magdemanda para mabawi ang utang. Karamihan sa mga statute of limitations ay napapailalim sa tatlo hanggang anim na taon bagaman maaaring mapalawig ang mga ito sa ibang jurisdiksyon. Maaaring mag-iba ang mga statute of limitations depende sa mga batas ng estado, uri ng utang na mayroon ka, o batas ng estado na binanggit sa kasunduan ng iyong credit. 


Validation notice

Ang nangongolekta ng utang ay kailangang magbigay ng partikular na impormasyon kapag nakikipag-ugnayan ito sa unang pagkakataon sa mamimili, o pagkatapos nito. Kapag ibinigay ng nangongolekta ng utang ang kinakailangang impormasyong ito sa paraang elektroniko o nakasulat, ito ay tinatawag na validation notice.