Alamin ang iyong mga karapatan at proteksyon pagdating sa mga medikal na singil at pangongolekta
- English
- Español
- 中文
- Tiếng Việt
- 한국어
- Tagalog
- Pусский
- Kreyòl Ayisyen
Ang medikal na singil at mga pangongolekta ay maaaring makapinsala sa mga tao kapag nahihirapan na sila sa kanilang krisis sa kalusugan. Kung sa tingin mo ay tumutukoy ito sa iyo o sa isang mahal mo sa buhay, may makatutulong. Nandito kami para sa iyo upang matiyak na patas ang pagtrato sa iyo. Narito ang ilang hakbang na maaari mong gawin.
Tingnan kung wasto ang mga singil sa iyo
Pagdating sa mga medikal na singil, maaaring matagpuan mo ang iyong sariling naiipit sa pagitan ng iyong mga medikal na provider at ng iyong insurance company. Mistulang imbestigasyon ang pagsusuri at pagkaunawa ng mga gastos para sa iba't ibang operasyon (procedure) at kung ano ang saklaw at hindi saklaw ng insurance. Maaaring maging kumplikado ang problema kung nakatanggap ka ng medikal na pangangalaga mula sa maraming provider.
Ngunit may ilang bagay ka pa ring magagawa upang matiyak na wasto ang singil sa iyo, at kung makipag-ugnayan man sa iyo ang mga tagakubra (debt collector), hindi nila sinusubukang mangolekta ng mga hindi tamang singil o nilalabag ang iyong mga karapatan.
- Tingnang mabuti ang iyong mga medikal na singil upang matiyak na ang mga nakasulat doon ay wasto at natanggap mo nga ang mga nakalistang paggamot.
- Tiyakin na para sa iyo ang singil at ipinapakita ang tamang pangalan mo, impormasyon ng insurance, at address para sa singil.
- Humiling sa iyong provider ng paliwanag sa simpleng wika para sa mga aytem na nasa medikal na singil na hindi malinaw sa iyo.
- Hilingin sa mga tagakubra na beripikahin ang pagkakautang at bigyan ka ng impormasyon tungkol sa tagakubra at sa singil sa kinokolekta.
Mga Proteksyon sa ilalim ng No Surprises Act
Para sa mga paggamot na natanggap mo simula noong Enero 1, 2022, maaaring magkaroon ka ng proteksyon sa ilalim ng No Surprises Act. Halimbawa, hindi ka dapat makatanggap ng mga hindi inaasahang singil para sa mga serbisyong pang-emerhensyang natanggap mula sa isang provider ng pangangalagang pangkalusugan o pasilidad na hindi mo alam na nasa labas ng network (sa Ingles) hanggang sa singilin ka.
Kung wala kang health insurance o kung nagbabayad ka para sa pangangalaga nang hindi ginagamit ang iyong health insurance, kailangan kang bigyan ng iyong provider ng isang "tapat" na tantiya ng kung magkano ang gagastusin sa iyong pangangalaga, bago mo ito matanggap. Pagkatapos, kung ang siningil na halaga ay $400 o higit pa na mataas sa tantiya, maaari mong tutulan ang mga singil sa pamamagitan ng proseso ng paglutas ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng pasyente at provider (sa Ingles).
Mga opsyon sa tulong pinansyal
Kung hindi mo kayang bayaran ang singil, kausapin ang provider ng medikal na pangangalaga. Ang mga non-profit na ospital ay inaatasan ng batas na maghandog ng mga programang tulong pinansyal, at marami pang ibang provider ay pumapayag na makipag-areglo sa pagbabayad. Makipag-ugnayan sa mga serbisyong panlipunan ng iyong estado o lokal na pamahalaan upang malaman kung makakakuha ng karagdagang tulong.
Alamin ang mga limit sa tagakubra na nakikipag-ugnayan sa iyo
Maaari lamang makipag-ugnayan sa iyo ang mga tagakubra tungkol sa mga pagkakautang mo. Hindi sila maaaring makipag-ugnayan sa iyo tungkol sa pagkakautang na hindi sa iyo o hindi mo pagkakautang. Mayroon kang karapatang hilingin sa tagakubra na beripikahin na may pagkakautang ka at na sa iyo ito.
Kung tama ang singil, karapat-dapat siya, at may pagkakautang kang pera, maaaring makipag-ugnayan ang mga tagakubra sa iyo kung gayon upang subukang kolektahin ito. Maaari ka nilang idemanda upang mabawi ang pera—at kung nanalo sila sa kaso, maaari nila itong kunin mula sa iyong sahod o gawing panagot ang iyong tirahan. Ngunit, kailangan nilang sumunod sa mga batas na naaangkop sa pangongolekta ng pagkakautang, gaya ng pag-iwas sa panghaharas o mga mapang-abusong tawag sa telepono, at pagsunod sa mga iniaatas kapag iniuulat nila ang pagkakautang sa mga kumpanyang nag-uulat ng mamimili (sa Ingles). Hindi ka nila maaaring tawagan nang buong araw, at may karapatan kang sabihan silang tumigil sa pakikipag-ugnayan sa iyo.
Kung nangangamba ka na ang mga gawain ng tagakubra ay lumalabag sa iyong mga karapatan, maaari kang gumawa ng aksyon upang maipatupad ang iyong mga karapatan.
Tingnan pa ang tungkol sa iyong mga karapatan at proteksyon sa pangongolekta ng pagkakautang (sa Ingles)
Labanan ang mapamwersang pag-uulat ng kredito
Ang mga tagakubra ay hindi pinahihintulutang iulat ang medikal na singil sa mga kumpanyang nag-uulat ng kredito nang hindi muna sinusubukang mangolekta ng pagkakautang mula sa iyo. Maaaring asahan ng mga tagakubra na babayaran mo lamang ang singil nang hindi ito tinututulan. Sa halip, may karapatan kang tutulan ang impormasyon.
Tingnan kung paano tututulan ang pagkakamali sa ulat sa iyong kredito (sa Ingles)
Iwasan ang mga scammer
Huwag bayaran ang isang tao o serbisyong nangangakong hindi ilalagay ang mga medikal na singil sa iyong ulat ng kredito (credit report) o poprotektahan ka mula sa mga hindi inaasahang medikal na gastusing nasa labas ng network. Iwasan ang mga taong gusto kang singilin ng upfront fee para malutas ang iyong sitwasyon sa pagkakautang at kredito. Ang mga kilalang tagapayo sa kredito ay malinaw pagdating sa kanilang mga serbisyo at singil (sa Ingles) at iniiwasan ang pamimilit sa iyo.
Magsumite ng reklamo
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa No Surprises Act o naniniwalang hindi sinusunod ang batas, maaari kang makipag-ugnayan sa Centers for Medicare & Medicaid Services No Surprises Help Desk (Tagapagbigay ng Impormasyon Hinggil sa No Surprises Act ng mga Sentro ng mga Serbisyo ng Medicare at Medicaid) sa (800) 985-3059 mula 8 a.m. hanggang 8 p.m. ET, pitong araw sa isang linggo, upang magsumite ng katanungan o reklamo. Maaari ka ring magsumite ng reklamo online sa Centers for Medicare & Medicaid Services (sa Ingles).
Para sa mga isyu sa produkto o serbisyong pinansyal para sa mamimili, kabilang ang mga pangongolekta ng medikal na pagkakautang at pag-uulat ng kredito, maaari kang magsumite ng reklamo sa CFPB (sa Ingles).
Ang ginagawa namin tungkol sa medikal na pagkakautang
Ginawang pokus ng aming gawain ang mga isyung nakapalibot sa medikal na singil at pangongolekta, mula pa sa aming ulat ng pananaliksik noong 2014 . Ipinapakita sa aming pananaliksik at ulat na ang mga medikal na singil sa mga ulat ng kredito ay mas hindi makapagsasabi ng pagbabayad ng kredito sa hinaharap kaysa sa mga tradisyonal na obligasyon sa kredito. Ang mga medikal na singil na inilagay sa mga ulat ng kredito ay maaaring magresulta sa mas nabawasang akses sa kredito, nadagdagang panganib ng pagkabangkarote, pag-iwas sa medikal na pangangalaga, at kahirapan sa pagkakaroon ng trabaho, kahit na kung ang singil mismo ay hindi wasto o mali.
Ang pagtugon sa mga pangamba tungkol sa medikal na singil at pangongolekta ay isang partikular na pokus namin habang bumabangon ang bansa mula sa pandemyang COVID-19.
Noong Enero, inilabas namin ang isang buletin na nagpapaalala sa mga tagakubra at kumpanyang nag-uulat ng kredito ng kanilang mga legal na obligasyon (sa Ingles) sa ilalim ng Fair Debt Collection Practices Act at Fair Credit Reporting Act para sa mga singil na napapailalim sa No Surprises Act, na pumuprotekta sa mga mamimili mula sa ilang hindi inaasahang medikal na singil.
Noong Marso, inilathala namin ang ulat tungkol sa medikal na pagkakautang sa Estados Unidos (sa Ingles) na natagpuan na ang mga rekord ng kredito ng mamimili ay naglalaman ng kabuuang $88 bilyon sa mga iniulat na medikal na singil (hanggang Hunyo 2021). Ang mga medikal na singil ay ang pinakakaraniwang koleksyon sa mga ulat ng kredito ng mga tao at nakikita sa 43 milyong ulat ng kredito. Inuulat na tinatayang isa sa limang sambahayan na mayroon silang mga hindi pa nababayarang medikal na singil. Bukod dito, ang medikal na pagsingil, pangongolekta, at pag-uulat ng kredito ay kumplikado, nakakalito, at karaniwang may mga pagkakamali. Ang mga pasyente at kanilang mga pamilya ay karaniwang nahihirapang itama ang mga pagkakamaling ito.
Hindi nagtagal pagkatapos ng paglalabas ng ulat, naglabas ang Equifax, Experian, at TransUnion ng pinagsamang pahayag (sa Ingles) upang i-anunsyong babaguhin nila ang kung paano iuulat ang mga medikal na singil sa mga ulat ng kredito. Simula sa Hulyo 1, 2022, ang mga nabayarang medikal na singil ay hindi na isasama sa mga ulat ng kredito na inilalabas ng tatlong kumpanyang iyon. Ang mga hindi nabayarang singil ay iuulat lamang kung nanatiling hindi pa nababayaran ang mga ito ng hindi bababa sa 12 buwan. Bukod dito, inanunsyo ng mga kumpanya na simula sa Hulyo 2023, hindi nila isasama ang impormasyong ibinigay sa kanila para sa mga medikal na singil na kinokolekta para sa mga halagang $500 0 mas mababa pa.
Patuloy naming sinusuri ang epekto ng anunsyong ito.