Skip to main content
How to avoid foreclosure (in Tagalog)

Paano maiiwasan ang foreclosure

Ang pinakamahalagang bagay na magagawa mo kapag nahihirapan kang bayaran ang iyong mortgage ay magkaroon ng kontrol. Sa karamihan sa mga kaso, ang pinakamasamang bagay ay ang walang gawin. Ang pagkakaroon ng kontrol ay nangangahulugang paggawa ng apat na hakbang:

1. Tumawag o tumanggap ng tawag para sa tulong

Magkaroon ng kontrol sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga tawag mula sa iyong mortgage servicer. Ang mas mabuti pa, tawagan agad ang iyong service mortgager sa oras na malaman mong hindi mo magagawa ang iyong buwanang pagbabayad. Ang numero ng telepono ay nasa iyong buwanang bill. Ipaalam sa iyong servicer kung bakit hindi mo magagawa ang iyong buwanang pagbabayad at humingi sa servicer ng tulong para maiwasan ang foreclosure.

2. Humingi ng libreng tulong ng eksperto

Maaaring makatulong ang iyong servicer kung nahihirapan ka sa pagbabayad mo ng loan. Kung hindi mo makuha ang kailangan mo mula sa iyong servicer, humingi ng ekspertong tulong mula sa mga ahensya ng pagpapayo sa pabahay na malapit sa iyo. Puwedeng bumuo ang mga tagapayo ng naaangkop na plano ng aksyon at tulungan ka sa pakikipagtulungan sa kumpanya ng iyong mortgage. Bumisita sa consumerfinance.gov/mortgagehelp o tumawag sa (800) 569-4287 at ilagay ang iyong Zip code, para maghanap ng tagapayo sa pabahay na inaprubahan ng HUD.

3. Labanan ang scam

Maaaring subukan ng mga manloloko na samantalahin ang mga nahihirapang may-ari ng tirahan sa pamamagitan ng paniningil ng malaking halaga— kahit libu-libong dolyar—para sa mga huwad na pangako ng tulong. Hindi mo dapat bayaran ang kahit na sino para matulungan kang maiwasan ang foreclosure. Maaaring makuha mo ang kinakailangan mong tulong nang walang bayad mula sa iyong servicer, o sa pamamagitan ng ahensya ng pagpapayo sa pabahay na inaprubahan ng HUD.

4. Mag-apply para sa tulong

Kailangang makipag-ugnayan sa iyo ang iyong loan servicer, bigyan ka ng wastong impormasyon, at sabihin sa iyo ang mga opsyon ng mitigasyon sa pagkawala na maaaring karapat-dapat ka. Ang mitigasyon sa pagkawala ay tumutukoy sa mga paraan na puwedeng makipagtulungan sa iyo ang iyong servicer upang maiwasan ang foreclosure. Kung magpapadala ka ng kumpletong aplikasyon sa iyong mortgage servicer nang maaga, kailangang ipaalam sa iyo ng iyong mortgage servicer ang mga opsyon na mayroon ka upang mapanatili ang iyong tirahan, o kung mas makatuwiran, lisanin ang iyon tirahan.

May maraming karanasan ang mga tagapayo sa pabahay sa pagtulong sa mga taong pagsumikapan ang pag-iwas sa foreclosure. Maaari ka nilang tulungan sa mga kumplikadong hakbang para maiwasan ang iyong mga opsyon at mag-apply para sa tulong.

Hindi makakagawa ng unang abiso o pagpa-file para sa foreclosure maliban na lang kung ikaw ay mahigit 120 araw nang hindi nakakapagbayad. Bukod dito, kapag nagsumite ka ng kumpletong aplikasyon para sa tulong sa mortgage nang maaga, hindi makakapagsimula ang mortgage servicer ng foreclosure habang pinag-aaralan ang kaso mo o kung sinusunod mo ang mga kinakailangan sa pagbabago ng loan. Kaya gawin ito, at huwag magpaantala. Kung mas maaga mong makukumpleto ang aplikasyon, mas marami kang makukuhang proteksyon.

Paano malalaman ang scam sa foreclosure

Maaaring sabihin sa iyo ng mga scammer sa foreclosure na ililigtas nila ang tirahan mo sa foreclosure, gayong kukunin lang nila ang pera mo.

Tingnan ang mga palatandaang babala ng mga scam na ito:

  • Sinabihan kang magbayad agad para sa tulong.
  • Ginagarantiya ng kumpanya na mapapabago nila ang mga tuntunin ng iyong mortgage.
  • Ginagarantiya ng kumpanya na hindi mo mawawala ang tirahan mo.
  • Sinasabihan kang ibigay sa iba ang titulo ng iyong tirahan o lagdaan ang iba pang mga dokumentong hindi mo nauunawaan.
  • Binibilinan kang ipadala ang iyong pagbabayad sa isang taong bukod sa kumpanya ng iyong mortgage o servicer.
  • Naghahandog ang kumpanya ng “porensikong pag-o-audit.”
  • Sinabihan kang itigil ang pagbabayad mo ng mortgage.
  • Sinasabi ng kumpanyang kaakibat sila ng gobyerno, o gumagamit ng logo na katulad ang hitsura ng sagisag ng gobyerno ngunit may kaunting pagkakaiba.

Magsumite ng reklamo tungkol sa produkto o serbisyong pampananalapi

Sa bawat linggo, nagpapadala kami ng mahigit 10,000 reklamo tungkol sa mga pinansyal na produkto at serbisyo sa mga kumpanya para kanilang sagutin. Kung mas makakatulong ang ibang ahensya, ipapadala namin ito sa kanila at ipapaalam namin sa iyo. Sumasagot ang karamihan sa mga kumpanya sa loob ng 15 araw.

  • Online (sa Ingles)
  • O sa pamamagitan ng telepono sa (855) 411-2372 para sa tulong sa Tagalog, at 180 iba pang wika. Karaniwang sinasagot ang tawag nang wala pang 1 minuto. Isasalin ang iyong reklamo sa Ingles at ipapadala sa kumpanya para kanilang sagutin. Kapag sumagot ang kumpanya, karaniwang gagawin nila ito sa Ingles, ngunit maaari kang tumawag sa amin para marinig ang isinaling sagot.