Ihanda ang iyong sitwasyon sa pananalapi bago bumili ng bahay
- English
- 中文
- Tiếng Việt
- 한국어
- Tagalog
- Pусский
- العربية
- Kreyòl Ayisyen
Ipinapangarap ng maraming pamilya na makabili ng bahay, ngunit maaaring hindi mo alam kung saan dapat magsimula o kung kailan handa ka na. Naririto ang ilang mga hakbang upang marating ang landas patungo sa pagiging isang may-ari ng bahay. May isang mas kumpletong pagpapaliwanag, sa Ingles, na matatagpuan sa aming Pagbili ng Bahay na gabay.
Humanap ng tulong sa pagbili ng iyong unang bahay
Marami sa mga estado at lokal na organisasyon ay mayroong mga programa upang matulungan ang mga taong bumibili ng kanilang pinaka-unang bahay sa kanilang paunang bayad at mga gastusing kaugnay sa proseso ng pagbili ng bahay. Upang makahanap ng mga programang malapit sa iyo:
- Humanap ng isang tagapayo sa pabahay (housing counselor) sa iyong lugar (sa Ingles)
- Tumawag sa Hotline ng HOPE™ sa (888) 995-HOPE (4673), 24 na oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo
Maaari ka ring humiling sa isang tagapayo sa pabahay na tulungan ka:
- Sa pagpapasiya kung kailan ang tamang panahon para bumili ng bahay o kung papaano mo mapabubuti ang iyong kredito (sa Ingles) upang makatanggap ng mas mabuting iniaalok
- Na matingnang mabuti ang iyong mga opsiyon sa mortgage na pautang o kung ano ang iba pang mga opsiyon na maaaring mayroon ka kung bumuti ang iyong kasaysayan sa kredito.
- Na mapag-aralan ang iyong mga pag-uulat sa kredito, kinikita, at karagdagang impormasyon sa pananalapi at ipaliwanag sa iyo kung papaano susuriin ng mga nagpapautang ng mortgage ang iyong aplikasyon
Tuklasin ang mga problema na maaaring magsilbing hadlang sa iyo
Ipinagbabawal ang diskriminasyon
Ang mga nagpapautang ay hindi pinapayagan na tanggihan ka ng kredito, sumingil ng mas mataas na mga kabayaran o antas ng interes, maghandog sa iyo ng mga terminong hindi pabor sa iyo, o sikapin na kumbinsihin ka na huwag mag-apply ng utang sa batayan ng:
- Lahi
- Kulay
- Relihiyon
- Bansang pinagmulan
- Kasarian (kabilang ang seksuwal na oryentasyon at pagkakakilanlan ng kasarian)
- Katayuan sa pag-aasawa
- Edad
- Kung tumatanggap ng pera mula sa pampublikong tulong
- Taos-puso at matapat na isinasakatuparan ang iyong mga karapatan sa ilalim ng Batas sa Proteksiyon ng Kredito ng Mamimili
Kung may mga problema ka sa mortgage, maaari kang magsumite ng reklamo sa online o sa pamamagitan ng pagtawag sa (855) 411-CFPB (2372).
Ang mga “kontrata para sa dokumento ng pag-aari” (contracts for deed) ay maaaring magresulta sa problema
Ang isang kontrata para sa dokumento ng pag-aari (na minsan ay tinatawag ding “bono para sa dokumento ng pag-aari,” (bond for deed) “kontrata ng hulugan para sa lupain,” (land installment contract) o “pagbili sa kontrata” (buying on contract)) ay ang pamamaraan ng pagbili ng bahay sa pamamagitan ng plano ng hulugan na pagbabayad imbes na sa pamamagitan ng isang tradisyonal na mortgage na utang. Sa halip na pumunta sa isang nagpapautang ng mortgage para makautang ng pera upang mabayaran ang nagbebenta ng buong presyo ng ari-arian, sumasang-ayon ka na bayaran mismo ang nagbebenta ng buwanang hulugan. Ang titulo sa ari-arian ay mananatili sa nagbebenta hanggang sa nakumpleto na ang kontrata. Ang dokumento ng pag-aari ay kumakatawan sa legal na pag-aari ng bahay.
Upang maunawaan ang iyong mga karapatan sa isang kontrata para sa dokumento ng pag-aari, mabuting ideya na makipag-usap sa isang abogado. Narito ang mga payo sa paghahanap ng abogado sa iyong estado.
Sa ilalim ng kontrata para sa dokumento ng pag-aari, kumikilos ka bilang ang may-ari ng ari-arian sa buong haba ng panahon ng kontrata, kahit na ang dokumento ng pag-aari ay hindi pa nasasaiyo. Sa isang karaniwang kontrata para sa dokumento ng pag-aari, ikaw ang magbabayad ng mga buwis sa ari-arian, insurance, mga gastos na kaugnay sa pagkukumpuni, at pagmementina.
Sa isang tradisyonal na mortgage, kung sakaling naantala ka sa iyong mga pagbabayad, ang nagpapautang ay karaniwang kinakailangang maghintay bago masimulan ang proseso ng pagreremata (foreclosure). Sa isang kontrata para sa dokumento ng pag-aari, maaaring simulan kaagad ng nagbebenta ang proseso ng pagpapalayas (eviction). Maaaring mabilis na mangyari ang pagpapalayas kung:
- Nalaktawan mo ang isang buwanang pagbabayad
- Hindi mo kayang bayaran ang isang malaking halagang “balloon payment”, kung kinakailangan itong gawin ayon sa kontrata
- Hindi mo binayaran ang anumang iba pang mga bayaring nakalaan sa kontrata, tulad ng mga buwis at mga gastos na kaugnay sa pagmementina
Sa karaniwan, ang lahat ng ibinayad mo sa bahay at ang mga trabahong isinagawa mo doon ay mananatili sa nagbebenta.
Kahit na naisagawa mo ang lahat ng kabayarang kinakailangan alinsunod sa kontrata, maaari ka pa ring magkaproblema. Maaaring hindi malinaw ang titulo sa bahay na hawak ng nagbebenta. Halimbawa, maaaring may kinauutangan ang nagbebenta (lien), at dahil dito ang pag-aari sa ari-arian ay hindi maaaring mapakawalan hanggang sa hindi pa nababayaran nang buo ang kanyang utang na ito, o kaya mayroon siyang utang sa mortgage sa ari-arian. O kaya minsan ay ayaw ibigay ng nagbebenta ang dokumento ng pag-aari. Minsan ay tinatanggap ng nagbebenta ang perang ibinabayad mo para sa mga buwis at insurance ngunit hindi naman nito talaga binabayaran ang mga ito sa katotohanan, kaya kapag dumating na ang panahon na tunay na pag-aari mo na ang bahay, madidiskubre mo na lamang na mayroon kang maraming mga malalaking bayarin at mga multang kinakailangang bayaran, kasama ng marami pang ibang mga problema.
Kung mayroon kang problema sa isang kontrata para sa dokumento ng pag-aari, maaari kang magsumite ng reklamo sa online o sa pamamagitan ng pagtawag sa (855) 411-CFPB (2372).