Ano ang naghihintay para sa Bank of America at sa mga kostumer nito
- English
- Español
- 中文
- Tiếng Việt
- 한국어
- Tagalog
- Pусский
- العربية
- Kreyòl Ayisyen
Kamakailan, kumilos ang CFPB laban sa Bank of America dahil sa paglabag sa mga pederal na batas na naaangkop sa mga pinansyal na produkto, kabilang ang mga account sa bangko at credit card. Kailangan ng bangkong magbayad ng mahigit $100 milyon sa mga kostumer na napinsala, pati na rin ng $90 milyong multa na mapupunta sa pondong tulong para sa mga biktima (Pahina sa Ingles) ng CFPB at isang $60 milyong parusang ibabayad sa Tanggapan ng Tagapagtuos ng Salapi (Office of the Comptroller of the Currency).
Ang Bank of America ay ang pangalawang pinakamalaking bangko sa bansa, na may humigit-kumulang 68 milyong account ng mga indibidwal at maliliit na negosyo. Kung ikaw ay isang kostumer ng Bank of America, narito ang impormasyong makakatulong sa iyong maunawaan kung maaaring napinsala ka, kung anong mga refund at isasauling bayad ang inaasahan, at kung ano pa ang aantabayanan.
Mga refund at isasauling bayad na magmumula sa Bank of America
Ang mga kostumer na tumutugma sa mga paglalarawan sa ibaba ay maaaring asahan ang mga kabayaran mula sa Bank of America. Hindi mo kailangang kumilos para makatanggap ng pera. Natanggap na ng ilang kostumer ang mga kabayaran sa kanila. Matatanggap ng mga dating kostumer ang pera nila sa sulat.
Mga kostumer ng account sa bangko na siningilan nang labis dahil sa hindi sapat na pondo
Sa loob ng maraming taon, naging gawain ng Bank of America ang "ilegal na kumita nang doble" (double-dipping) sa mga account ng deposito na may hindi sapat na pondo. Ito ay nangangahulugan na kung ang isang tseke o pag-withdraw ay hindi naging matagumpay dahil wala kang sapat na pera sa iyong account, maaaring paulit-ulit na tanggihan ng bangko ang transaksyon, na nagpapataw ng $35 na singil (kilala bilang singil sa hindi sapat na pondo, o NSF) sa bawat pagkakataon.
Ano na ang katayuan ng mga kostumer sa kasalukuyan: Tumigil ang Bank of America sa pagpataw ng lahat ng singil sa hindi sapat na pondo noong nakaraang taon at ini-refund ang milyun-milyong dolyar na mga singil sa mga napinsalang kostumer. Ito ay nangangahulugan na ibinalik na ang pera sa mga account sa bangko ng mga taong pinatawan ng maraming singil.
Ano ang susunod na mangyayari: Kailangang tuluyan nang tumigil ang Bank of America na "ilegal na kumita nang doble". Kailangan ding i-refund ng bangko ang mahigit $80 milyon sa mga kostumer. Kung ikaw ay isa sa mga kostumer na iyon, direktang ibibigay ang refund sa iyong account. Matatanggap ng mga dating kostumer ng Bank of America ang mga refund sa sulat.
Nagtatakda ang Bank of America ng nakalaang sentro para sa serbisyo sa kostumer (customer service center) para pangasiwaan ang mga tanong mula sa mga taong siningilan nang labis para sa mga singil na NSF. Ihanda ang impormasyon ng iyong account, kasama ang mga detalye tungkol sa kung paano ka naapektuhan, at pagkatapos ay tawagan ang walang bayad na 1-855-729-1764 para makontak ang serbisyo sa kustomer (customer service, sa Ingles) at talakayin ang iyong personal na sitwasyon. Maaari kang makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng e-mail sa NSFinquiry@bofa.com o sa pamamagitan ng koreo sa P.O. Box 25118, Tampa, FL 33622-5118.
Mga kostumer ng credit card na pinangakuan ng mga rewards point at mga bonus na pera
Inanunsyo ng Bank of America ang mga bonus at rewards sa mga kostumer ng credit card, at pagkatapos ay hindi binigay ang mga ito sa lahat ng kuwalipikado. Sa halip, napunta lamang ang mga bonus at rewards sa mga kostumer na nag-sign up online, na iniwan ang mga kostumer na nag-sign up sa pamamagitan ng telepono o sa personal. Ipinagkait din ang mga bonus sa pag-sign up sa ilang bagong kostumer.
Ano na ang katayuan ng mga kostumer sa kasalukuyan: Ibinigay na ang rewards at bonus points sa maraming naapektuhang kostumer.
Ano ang susunod na mangyayari: Kailangan ng Bank of America na malinaw na ipahayag kung sino ang karapat-dapat at hindi karapat-dapat para sa mga alok na kanilang inaanunsyo at ipino-promote. Kung hindi pa ibinibigay ng bangko ang tamang points at rewards, kailangan nilang i-credit ito nang tama sa mga account ng mga tao.
Mga kostumer na hindi nagbigay ng awtorisasyon na magbukas ng mga bagong credit card
Mula pa noong 2012, nagkaroon ang Bank of America ng programang insentibo sa pagbebenta para sa mga empleyado nito, na naggagantimpala sa kanila kapag natugunan nila ang mga mithiin para sa pagbubukas ng mga bagong account na credit card. Nagbukas ang ilang empleyado ng mga credit card para sa mga kostumer na hindi kailanman nag-apply para sa o sumang-ayon sa mga bagong account. Maaaring napatawan ang mga kostumer ng mga singil o nakasira ito sa kanilang mga credit report bilang resulta.
Ano na ang katayuan ng mga kostumer sa kasalukuyan: Pansamantalang itinigil ng Bank of America ang programang insentibo sa pagbebenta na naghikayat sa mga empleyadong labagin ang batas. Ibinalik na ng bangko ang mga gastos sa ilang naapektuhang kostumer.
Ano ang susunod na mangyayari: Kailangang itigil ng Bank of America ang pagbukas ng mga hindi awtorisadong account. Inalis din ng bangko ang mga tala na maaaring lumabas sa mga credit report para sa mga taong nabuksan ng mga account nang wala ang kanilang pahintulot. Ang bangko ay kailangang magsumite ng plano na tumutukoy sa mga napinsalang mamimili at ipaliwanag kung paano sila babayaran o ire-refund ng bangko. Inaasahan namin ang plano sa loob ng 30 araw, at sa oras na pahintulutan namin ang pagpapatupad ng plano, kailangang ibigay ng bangko ang mga refund sa loob ng isang taon.
Mga hakbang na magagawa mo para malutas ang mga problema sa Bank of America o iba pang mga pinansyal na kumpanya
Karaniwan, ang una mong hakbang ay subukang resolbahin ang iyong problema nang direkta sa pinansyal na institusyon. Iyong ay dahil masasagot nila ang mga tanong tungkol sa sarili nilang mga produkto at serbisyo at matitingnan ang katangi-tanging sitwasyon mo.
Kung hindi naresolba ang problemang iyon, ang susunod na hakbang na maaari mong gawin ay magsumite ng reklamo (Pahina sa Ingles) sa CFPB. Para magsumite sa pamamagitan ng telepono, tumawag sa (855) 411-CFPB (2372). Ipapahatid namin ang iyong reklamo sa kumpanya at kikilos upang makuha mo ang sagot. Sumasagot sa mga reklamo ang karamihan sa mga kumpanya sa loob ng 15 araw.
Kung alam mo ang mga problema dahil ikaw ay empleyado o dating empleyado ng isang pinansyal na kumpanya, maaari mo kaming alertuhan sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa whistleblower@cfpb.gov. Nirerepaso namin ang bawat pagsusumite.